Pinalakas pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang monitoring at coordination sa mga intelligence agencies local at international para tugunan ang problema sa terorismo lalo na ang pagmamatyag sa mga terorista at mga suicide bombers.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, gumagalaw na ang kanilang intelligence community para tugunan ito ng sa gayon maiwasan na mayruon na namang insidente ng suicide bombing sa bansa.
Tumanggi naman si Eleazar sabihin sa media kung anu-anong mga hakbang ang kanilang ginagawa ukol dito.
Bagamat walang natatanggap na imminent threat ang PNP gaya ng inilabas na abiso ng Japanese government, naging daan din ito para magsagwa ng malalimang monitoring ang PNP para maiwasan ang anumang mga posibleng karahasan.
Una ng sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na isang malaking hamon sa AFP at PNP ang pagtukoy sa mga suicide bombers, gayunpaman may mga security measures na ipinapatupad dito ang militar lalo na sa bahagi ng Sulu.
Sinabi ni Eleazar tuloy ang target hardening measures lalo na sa mga lugar na may mga local terrorists na nag-ooperate at batid na rin ng mga unit at police station commanders ang kanilang gagawin lalo na ngayon at nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.
Samantala, ayon kay Eleazar bukas ang PNP sa anumang joint exercises na gagawin kasama ang kanilang foreign counterparts gaya ng US na patuloy sa pagbibigay suporta sa Pambansang Pulisya.
Kamakailan lamang, nag donate ang Amerika ng anti-terrorism equipment sa PNP na nagkakahalaga ng P150 million.
Sinabi ni PNP chief, sa ngayon, walang specific exercises ang PNP at US hindi gaya sa AFP na mayruon itong taunang Joint RP-US Balikatan Exercises.