-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nakalatag na ang iba’t ibang pakulo ng mga naglalakihang accomodation establishments sa isla ng Boracay para sa kanilang mga bisita sa gaganaping Halloween party mamayang gabi.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, hindi nawawalan ng mga pasabog na activities ang mga establisyimento sa kagaya nitong okasyon.

Kung kaya’t sila sa lokal na pamahalaan ay hindi na nag-abala pa sapagkat alam nila na bawat taon ay pinaghahandaan ito ng mga hotels and resorts owner gaya na lamang sa pag-organize ng Halloween costume na may kaakibat na premyo.

Sa kabilang dako, inaasahan ng Philippine Coast Guard (PCG) Aklan ang pagbuhos ng mga turista, bisita at bakasyunista ngayong araw na papasok sa Boracay kung kaya’t nakaalerto at nakabantay na ang kanilang mga tauhan upang umalalay sa mga ito patawid sa isla.

Ayon kay Lt. Commander Val ernie P. Daitao, chief commander ng PCG Aklan, nakakalat na ang tauhan ng ahensya sa white long beach at maya’t maya ang kanilang ginagawang pagpatrolya upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Tinitiyak rin ng mga ito na sinusunod ang ipinapatupad na one entry, one exit policy ng LGU Malay upang ma-monitor ang mga sakayang pandagat na lumalayag sa karagatan ng Boracay.