-- Advertisements --

Pormal nang inilunsad ngayong araw ang National Media Action Center (NEMAC) sa Philippine National Police (PNP) Command Center limang araw bago ang eleksyon ngayong Mayo.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, nais ng PNP na magkaroon ng mga real time updates para agad na maaksyunan ang mga maitatalang violence, aksidente o ano mang threat na may kinalaman sa nalalapit na halalan.

Ani Marbil, 100% nakahanda na ang kanilang hanay kung saan ang huli at pinakaimportanteng direktiba ng hepe sa mga itatalagang pulis sa buong bansa lalo na sa mga commanders ng kada estasyon ay ang pagpapanatili ng presensya ng kapulisan sa ground.

Dapat din aniyang matiyak na walang magiging tala ng mga krimen sa araw ng eleksyon at kailangang masiguro na ang halalan ngayong taon ang magiging pinakamapayapa, pinakamatapat at pinakamaayos na eleksyon kumpara sa mga nakaraaang taon.

Kasunod nito ay ipinakita rin ng hepe kung gaano kahanda ang kanilang hanay sa loob ng kanilang command center.

Ipinakita sa pangunguna ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief MGen. Nicolas Torre III kung paano gumagana ang hotline na 911 para sa mga emergencies at mga nais magreport ng mga kaguluhan ay agad na matetrace ito ng kanilang hanay upang makapagpadala agad ng kanilang mga tauhang itatalaga sa buong bansa.

Layon din ng NEMAC na makapagbigay ng mga tama, accurate, timely at mga real time na updates sa mga election related incidents o maging mga updates nula sa kanilang hanay. Ani Marbil, magkakaroon rin ng regional monitoring media action centers (REMAC) upang matiyak na hindi lamang sila ang nakakakuha ng impormasyon.

Binigyang diin ng hepe na dapat maging ang mga kawani ng media ay nakakatanggap ng mga tama at real time updates para agad na maibigay ang impormasyon sa publiko.

Samantala, nagpaalala naman ang hepe para sa mga magbabalak na gumawa ng mga prank calls sa kanilang hotline, aniya buhay ang pinaguusapan lalo na ngayong eleksyon kaya marapat sanang iwasan ang mga ganitong uri ng modus para matiyak na magiging maayos ang daloy ng eleksyon sa darating na Lunes.

Dagdag pa ni Marbil, traceable ang mga linya na ginagamit ng mga tumatawag sa hotline na ito kaya agad din malalaman at mabeberipika kung sino, saan at anong klase ng device ang pinagmulan ng tawag na ito.

Paalala ni Marbil, isipin sana ng publiko na ang bawat boto ay mahalaga at siyang makakapagbigay ng isang magandang bukas para sa ating bansa kaya naman iwasan sana ang paggawa ng mga panloloko dahil pagtitiyak ni Marbil, makakasuhan ang sinumang manloko at gumawa ng prank calls sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang emergency hotline.

Samantala, as of May 6 ay nasa kabuuang bilang ng 163,621 na mga pulis ang siyang ipapakalat sa buong bansa sa araw ng election, 3,698 ang mga nakatalaga sa special electoral board bilang assistance at seguridad habang 37,817 naman ang kabuuang bilang namg mga tauhan na mula sa ibang nga ahensya gaya ng Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Fire Protection (BFP).