Simula ngayong December 15, Linggo, isinailalim na ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang buong bansa dahil sa nalalapit na kapaskuhan o holiday season.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Philippine National Police officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang buong police units nationwide na paigtingin ang kanilang security measures sa kani-kanilang mga areas of responsibility dahil magsisimula na rin bukas ng madaling araw ang Simbang Gabi.
Ayon kay PNP Spokesperson P/BGen. Bernard Banac, alas-6:00 kaninang umaga, nasa full alert status na ang buong bansa.
Sinabi ni Banac, nasa 69,335 pulis ang nakadeploy sa iba’t ibang “places of convergence” partikular na sa mga simbahan, terminal ng bus, mga paliparan, pantalan, malls, mga pasyalan na lugar, at iba pa.
Makakatuwang ng pulisya ang nasa 157,264 force multipliers.
Maliban sa paglalagay ng assistance hubs sa mga nabanggit na lugar, ipinag-utos na rin ni Gamboa ang pagpapalakas sa police visibility sa mga lansangan.