Naglatag ng sariling guidelines o protocol ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa paggamit ng mga body worn cameras.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, ang Directorate for Operations (DO) sa pamumuno ni Maj. Gen. Alfred Corpus ang bumuo sa nasabing guidelines at inilabas ito sa pamamagitan ng memorandum circular na siyang magiging batayan ng mga pulis sa paggamit sa mga body worn cameras.
Nakatakdang i-finalize ng PNP ang naturang guidelines at magiging opisyal na ito sa sandaling pipirmahan na ni PNP chief.
Sinabi ni Eleazar nagpadala rin sila ng kopya nito sa Supreme Court at welcome sa kanila kung may idadagdag ang Korte Suprema sa kanilang binuong guidelines.
Binigyang-diin din ni Eleazar na batid na ng mga pulis ang kanilang gagawin sa sandaling gagamitin na ang mga body cam sa operasyon.
Nilinaw ni PNP chief na may limitasyon pa rin sa paggamit ng body camera.
Naniniwala si Eleazar na ngayong gagamit na ang mga pulis ng body cam tiyak siya na maibabalik na ang tiwala ng publiko sa mga pulis ngayong may transparency na sa kanilang mga operasyon at maiwasan na ang mga pagdududa sa police operations.
Natugunan na rin ng PNP ang privacy issue sa paggamit ng body cam.
Siniguro ni Eleazar na hindi ito maabuso at hindi mata-tamper ang kuha sa mga body cam.
Masasampulan na ang mga body camera sa daratimg na SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte sa buwan ng July kung saan gagamitin ito sa pagbibigay seguridad.
Sa launching ng body worn camera sa Camp Crame, ipinakita ang actual na paggamit nito sa police operation mula sa Taguig Police Station at Police Station 7 sa Cubao, Quezon City.
Pinawi naman ni M/Gen. Alfred Corpus ang pangamba na maari itong pakialaman ng mga pulis.
May tatlong storage din ang recording nito kaya’t hindi madaling mabura ng kung sinu-sino lamang dahil tatagal ito ng 60 araw.
Ilan sa mga priority police operations na gagamitan ng body cam ay anti-drug operations, service of warrant, hostage rescue operation, high risk checkpoint, security operations in implementing court orders at sa mga big event gaya ng SONA.