Kumpiyansa si Senador Bam Aquino na malaking maitutulong ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act para mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa pampublikong paaralan at maresolba ang kakulangan ng classrooms sa bansa.
Ipinaliwanag ng senador na kapag naisabatas, papayagan ng Senate Bill No. 121 o CAP Act ang mga local government unit (LGU) at non-government organization (NGO) na magtayo ng classrooms alinsunod sa pambansang pamantayan, gamit ang pondong magmumula sa national government.
“I-bypass natin ang DPWH (Department of Public Works and Highways). Ibigay natin ang pondo sa LGU at sa NGO na may track record sa paggawa ng schoolbuilding. Sa tingin namin, mas mabilis ang paggawa at mas mura pa, sa tamang halaga,” wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education.
Hinimok din ng senador ang gobyerno na magtiwala sa mga may kakayahang NGO at dedikadong LGU na determinadong itaas ang kalidad ng edukasyon sa kani-kanilang mga komunidad.
Muli ring binigyang-diin ni Aquino ang kanyang panawagang bawasan ang ilang bahagi ng pondo para sa flood control projects at ilipat ito sa edukasyon, lalo na sa mga lugar na hindi naman binabaha.
“Nais namin makita ang isang mas maayos na pondo ng flood control. Kutob namin, bababa ang P275 billion, mapo-focus siya sa lugar na may pagbaha. Iyong matatanggal, sa tingin namin aabot pa siguro ng P100 billion, nais namin ilagay sa edukasyon,” ani Aquino.