-- Advertisements --

Tuluyan nang nagsampa ng kasong kriminal ang Philippine National Police (PNP) laban sa aktor na si Kit Thompson.

Dahil ito sa paglabag sa Section 5 (a) ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence against Women and Children Act kung saan binugbog nito ang sexy actress at girlfriend na si Ana Jalandoni.

Nangyari ang insidente nitong umaga ng March 18 sa loob ng isang hotel room sa Tagaytay City.

Kaagad namang inaresto ang 25-year-old actor at isinailalim sa inquest proceedings sa Tagaytay City Prosecutor’s Office.

Kaugnay nito, siniguro ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na kanilang tututukan ang nasabing kaso.

“We will wait for the decision of the prosecutor based on his appreciation and evaluation of the evidence presented. The PNP has gathered the necessary evidence and witness accounts in the course of its investigation,” pahayag ni Gen. Dionardo Carlos.

Nabatid na mariing kinokondena ng PNP ang anumang uri ng karahasan laban sa kababaihan.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Pol. B/Gen. Roderick Augustus Alba, hindi sila natitinag sa kanilang mandato na pangalagaan ang karapatan ng mga babae lalo pa’t ipinagdiriwang pa man din ang “Women’s Month”

Siniguro nito na magiging “transparent” at patas ang imbestigasyon sa kaso.

Samantala, nanawagan si Police Regional Office-4A Regional Director Pol. B/Gen. Antonio Yarra sa mga babaeng biktima ng karahasan na ‘wag mag-atubiling magsumbong sa PNP, kagaya ng ginawa ng kasintahan ni Thompson.

Pinuri rin ni Yarra ang mabilis na pagresponde ng Tagaytay PNP sa sumbong ng biktima kaya naiwasan na umabot pa sa mas marahas na sitwasyon.