-- Advertisements --

Nagpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang mga pulis sa Senado bilang paghahanda sa posibeng paglulunsad ng mga kilos-protesta sa gitna ng political tensions.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Gen. Melencio Nartatez Jr. na ang kanilang deployment ay “mahigpit na pag-iingat at proaktibo.”

Saad pa ng hepe ng pambansang pulisya na tataasan ng PNP ang police visibility sa paligid ng Senado at karatig na government facilities kasabay ng patuloy na pangamba sa posibleng mga protesta at public disturbances bunsod ng mga tensiyon sa pulitika.

Una rito, ilang mga grupo ang nagprotesta sa labas ng Senado para suportahan ang panawagan ng minority senators para sa pagbibitiw ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

Kaugnay ng mga kamakailang kaganapan sa Senado, inatasan na ni Gen. Nartatez ang National Capital Region Office na palawigin pa ang kanilang police visibility at maglatag ng checkpoints sa palibot ng premises ng kapulungan.

Liban dito, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Senate security personnel, mga lokal na pamahalaan at traffic managemet authorities para sa latag ng seguridad.

Nagsasagawa rin ng threat at intelligence assessments para matukoy ang posibleng mga banta sa gitna ng political tensions.

Umapela naman ang heneral sa mga organizer na nagpaplano ng mga rally na panatilihing mapayapa at maayos ang kanilang mga aktibidad.