-- Advertisements --

Naglagay na ng walk-thru decontamination station ang Philippine National Police (PNP) sa mismong gate ng Camp Crame para sa disinfection ng lahat ng mga pumapasok sa kampo.

Layon nito para mapigilan pa ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang mga sasakyan naman ay dadaan sa tire bath at lahat ng sakay nito ay bababa at dadaan din sa misting disinfectant tent para makuhanan ng kanilang body temperature.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac ang nasabing hakbang ay bahagi ng kanilang biosafety plan laban sa COVID-19 na inirekomenda ng PNP Health Service.

Mahigpit ding sinusunod ng PNP ang tamang pagtatapon ng mga nagamit na personal protective equipment, face mask at surgical gloves.

Samantala, sa datos ng PNP Health Service pumalo na sa 905 ang Person Under Monitoring (PUM) habang 76 ang Person Under Investigation (PUI).

Nilinaw din ni Banac na ang dalawa nilang tauhan na namatay na sina PSSgt. Roderick Taca ng CIDG Manila at PSSgt. Feliciana Malana ng HPG ay negatibo sa COVID-19 .

Sila ay namatay dahil sa ibang karamdaman.

Sa ngayon, dalawa pulis pa lamang ang nagpositibo sa COVID-19.