-- Advertisements --

Ipinagkaloob ng Philippine National Police (PNP) ang kabuuang P10.6 million sa 30 informants na tumulong sa pag-aresto ng 30 wanted criminals sa buong bansa.

Ginanap ang naturang event sa Camp Crame kung saan tinanggap ng mga informants ang kanilang premyo na nakalagay sa plastic envelopes at nakasuot ng full-face masks ang mga ito upang maprotektahan ang kanilang identity.

Ayon sa ahensya, mula sa PNP intelligence fund ang pondo para sa ipinagkaloob na cash rewards, na inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Napagalaman na ang mga naaresto ay sangkot sa malalaking krimen tulad ng murder, rape, at homicide.

Ang pinakamalaking reward na P5.3 million ay ibinigay sa informant na tumulong sa pag-aresto ng suspect noong Pebrero 2023 na wanted sa 7 counts of murder at 25 counts of frustrated murder.

Habang ang pinakamaliit na reward na P50,000 ay ibinigay naman sa informant na tumulong sa pag-aresto ng suspect sa Kalinga noong Enero 2024 na may double murder charges.

Binigyang-diin ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa paglutas ng krimen, at pinayuhan ang mamamayan na patuloy na mag-ulat ng mahahalagang impormasyon sa hanay ng pulisya.