Pinaghahandaan ng Philippine National Police (PNP) sakaling matulad sa Indonesia at Nepal ang mga kilos-protesta o demonstrasyon sa Pilipinas dahil sa kontrobersiya hinggil sa korapsiyon sa flood control projects.
Ayon kay PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., may nakahandang security plans para sa pagsawata, pamamahala sa crowd at sa pagtiyak sa seguridad.
Mayroon ding hawak na impormasyon ang pambansang pulisya na maaaring nagamit sa kanilang operasyon.
Patuloy ding babantayan ng PNP ang peace and order at safety sa buong bansa.
Matatandaan, sa nakalipas na mga araw nagkasa ang ilang grupo ng mga kilos protesta sa gitna ng mga napaulat na korapsiyon sa flood control projects ng gobyerno habang maraming lugar sa bansa ang nalubog sa malawakang baha mula sa mga matitinding pag-ulan sa mga nakalipas na buwan.
Parehong senaryo din ang nagaganap sa ibang bansa tulad sa Nepal dahil sa korapsiyon at iregularidad subalit mas malala ang demonstrasyon doon kung saan nilusob ng mga nagpro-protesta ang parliyamento at sinunog ang mga bahay ng ilang pulitiko. Nagsimula ang malawakang protesta at demonstrasyon sa naturang bansa noong Setyembre 8 na karamihan ay inorganisa ng Gen Z student at iba pang mga grupo ng mga kabataan.
Sa Indonesia naman, libu-libong katao ang nagsagawa ng protesta sa labas ng kanilang parliament bilang pagtutol sa paglobo ng housing allowance ng members of parliament na sumiklab naman noong Agosto 25 ng kasalukuyang taon.