Muling nanawagan ang Philippine National Police ng kapayapaan at paglaban sa anumang uri ng karahasan sa bansa.
Panawagan ito ng Philippine National Police (PNP) sa mga grupong sangkot sa rido sa Tipo-Tipo, Basilan, na siyang sanhi ng nangyaring labanan kahapon.
Mariin ding kinondena ni PNP Acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang insidente, na nagsimula sa pagkasawi ni Ustadz Nadzmi “Bahang” Tarahin.
Dahil dito, inutusan ni Nartatez ang mga pulis sa lugar na panatilihin ang kapayapaan, kaayusan, at itaguyod ang kahalagahan ng buhay, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang PNP sa pamilya ni Tarahin, sa buong komunidad ng mga Muslim, at sa mga mamamayan ng Basilan sa kanilang pagluluksa.
Nakikiisa ang PNP sa panawagan na maging mahinahon, magpigil, at makipagtulungan upang hindi na lumala ang tensyon sa lugar.
















