Siniguro ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang lubos na suporta sa pagtutulungan ng pamahalaan upang sugpuin ang mga “ghost project” sa bansa.
Ayon kay PNP acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., ito ang kanilang pangako matapos ang High Command Conference sa Kampo Crame kahapon, na pinangunahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Kasama rin sa pulong ang Office of the Ombudsman (OMB), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang pagpupulong ay pinamunuan ni ICI Chairperson, Retired Justice Andres Reyes, kasama sina Commissioner Rogelio Singson, Special Adviser at dating PNP Chief Rodolfo Azurin, retired MGen. Ariel Caculitan, Atty. Raymond Rojas, at Atty. Rufino Mantos III.
Dumalo rin sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon at AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr.
Binigyang-diin ni Nartatez ang mahalagang papel ng pulisya sa pagpapanatili ng batas, pagtatanggol ng katotohanan, pangangalap ng impormasyon at ebidensya upang mapanagot agad ang mga nagkasala.















