-- Advertisements --

Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang hindi umano’y mga pulis na sumugod sa tahanan ng mga Duterte sa Davao City kaninang madaling araw ngayong Mayo 1.

Ayon kasi sa mga naging pahayag ni Davao City 1st District Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte, kinokondena umano nila ang mga naging aksyon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa hindi umano’y panghaharas sa kaniyang pamilya.

Agad namang nilinaw ni PRO III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na mismong si CIDG Chief MGen. Nicolas Torre III na ang mismong nagpahayag na ang mga kumakalat na impormasyon at pahayag na ito ni Cong. Pulong ay pawang mga fake news na siya namang sinuportahan rin ni Davao City Police Office Chief PCol. Hansel Marantan.

Paliwanag pa ni Fajardo, hindi ugali ng PNP na magpahayag ng mga spekulasyon kung ano ang mga naging motibasyon at rason ng mga personalidad na naglalabas ng mga negatibong isyu laban sa kanilang organisasyon.

Aniya, nakikita lamang ng PNP na ang mga ganitong klase ng mga ibinabatong isyu sa kanilang hanay ay bahagi ng kanilang pagtupad sa tungkulin at buong tapang aniya nila itong haharapin.

Samantala, nanawagan din si Fajardo na tulungan ang kanilang hanay na maipaabot ang mga tamang impormasyon sa publiko upang maiwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon at disinformation.

Sa naging ulat naman ng Bombo Radyo Davao ay nagdulot naman ito ng pagka-alarma at pangamba para sa mga tagasuporta ni dating pangulo Rodrigo Duterte matapos na matanggap ang naturang impormasyon.