-- Advertisements --

Muling tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo ang publiko na hindi nila kailanman binitawan at pinabayan ang ikinakasang imbestigasyon hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon sa tagapagsalita, patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon lalong-lalo na ang kanilang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para tuluyan nang maresolba ang kaso at mabigyan na ng hustisya ang mga naiwang pamilya ng mga sabungero.

Matapos nito ay muling nanawagan si Fajardo sa publiko na kung mayroon pang sapat na impormasyon at kaalaman ang mga ito hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero ay palaging bukas ang kanilang hanay upang tumanggap ng mga impormasyon na siyang makakatulong para sa mabilis na pagusad ng kaso.

Samantala, nananatili namang suportado ng PNP ang mga hakbang na kasalukuyang ginagawa ng Department of Justice (DOJ) at maging ng mga katuwang na ahensya para mabigyan na ng sapat na kasagutan ang naturang kaso.