Ipinauubaya na ng pamunuan ng Pambansang Pulisya sa liderato ng PNP region 8 sa paghawak ng kaso na kinasasangkutan ni Northern Samar Police Provincial Director SSupt Cesar Tanagan na inakusahan ng panggagahasa sa isang babaeng pulis.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Dionardo Carlos na si PNP region 8 regional police director PCSupt. Elmer Beltejar na ang bahala dito.

Una rito, sinibak na bilang Provincial Director ng Northern Samar si Tanagan.

Ito ay matapos magreklamo ang isang 30 taong gulang na Policewoman.

Tinangka umano siyang gahasain ni Tanagan noong Aug 9 at 10.

Ayon kay PCSupt. Elmer Beltejar- Eastern Visayas PNP Regional Director, gumugulong na ang imbestigasyon sa kaso.

Inihayag ni Beltejar na maliban sa nagreklamong pulis ay may dalawang dating Secretary ni Tanagan ang tinangka nitong halayin Ngunit hindi nagreklamo ang dalawa kundi hiniling na lang ng mga ito na mailipat sa ibang assignment.

Sa kabilang dako, pansamantala namang ipinalit sa puwesto ni Tanagan si PSSupt Felix Diloy na kasalukuang head ng PNP region 8 logistics department.