Aminado ang hepe ng bagong tatag na PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na marami pa rin ang pasaway na mga pulis sa kanilang organisasyon.
Ayon kay PNP-IMEG Director, Col. Romeo Caramat, hindi pa rin maubos-ubos ang mga pulis na hindi tinutupad ang kanilang mandato na magpatupad ng batas.
Babala ni Caramat na hindi nila ito titigilan hangga’t hindi nahuhuli o nauubos ang mga itinuturing na police scalawags.
Sa datos ng IMEG, pumalo na sa mahigit 1,000 ang nasa under validation.
Sa oras aniya na makakuha sila ng sapat na ebidensya ay agad nila itong io-operate.
Nitong Martes nang muling nagsagawa ng operasyon ang IMEG laban sa mga tiwaling pulis matapos na maaresto ang isang aktibong pulis mula sa Pampanga Provincial Police Office matapos ang isinagawang entrapment operation.