Nanawagan si Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan ng reporma sa paraan ng pagpili ng mga lider ng bansa, lalo na habang papalapit ang 2028 national elections.
Ayon kay Balisacan, kailangang ayusin ang electoral process at tugunan ang paglaganap ng political dynasties upang makapili ng mga lider na makapagbibigay ng mas mahusay na pamamahala at makapagpapabilis sa economic growth.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng isang professional at stable bureaucracy upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno, kahit magbago ang political leadership.
Iminungkahi rin niya ang pagpasa ng anti-political dynasty law at pagpapalakas ng pagtuturo ng patriotismo sa mga paaralan.
Sinabi ni Balisacan na kailangang umabot sa hindi bababa sa anim na porsiyento ang economic growth ng pilipinas upang makahabol sa mga karatig-bansa.
Sa unang kalahati ng taon, nasa 2.6 porsiyento lamang ang naitalang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ng kalihim, mas mulat na ngayon ang mga pilipino sa kalagayan ng bansa kumpara sa mga kapitbahay nito, lalo na dahil sa internet, kaya inaasahang magiging mas mapanuri ang publiko sa pagpili ng mga lider sa 2028 Elections.
















