Pinuri ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. sa pagtatanggol nito sa posisyon ng Pilipinas sa soberanya at international law sa isang forum sa Seoul, South Korea.
Ayon kay Lacson, ipinakita ni Teodoro kung ano ang maaaring maiambag ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado matapos nitong sagutin ang mga delegadong Tsino na kumuwestiyon sa 2016 West Philippine Sea Arbitration Award.
Sa isang pahayag, binuksan ni Lacson ang ideya na kung magiging isang Presidente si Teodoro, tiyak umanong maitatanong kung bakit nananatiling mahirap at underdeveloped ang bansang pinamumunuan ng isang napakatalinong lider.
Mamatandaan na nangyari ang insidente sa Seoul Defense Dialogue noong Setyembre 8 nang iabot kay Teodoro ang liham mula sa isang Chinese delegate na nagsasabing nilalabag umano ng arbitration award ang mga pangunahing prinsipyo ng international law.
Binasa ni Teodoro ang naturang liham sa forum at binigyang-diin ang primacy ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, na siyang batayan ng posisyon ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea.
Sinabi rin ni Teodoro na kailangang magpakita ang China ng “basic decency and behavior” at pagsabihan ang mga delegadong Tsino na maging disente at mahiya naman nang kaunti.
Matapos ang kaniyang pahayag, lumabas ang mga ulat na pinuri umano si Teodoro ng mga netizen sa South Korea dahil sa kaniyang matapang ngunit maayos na pagtugon sa mga kinatawan ng China.















