-- Advertisements --

Hinamon ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na harapin at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya at sa kanyang mga kaalyado sa halip na ilarawan bilang political persecution ang mga kasong kinakaharap nila.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, isinasampa ang mga kaso batay sa ebidensiya at dumaraan sa due process.

Ginawa niya ang pahayag matapos batikusin ni Duterte si President Ferdinand Marcos Jr kasunod ng pagharap nito sa Quezon City Hall of Justice, kung saan nag-post siya ng bail sa tatlong bilang ng grave threats.

Iginiit ni Castro na matagal nang hinihintay ng publiko ang personal na sagot ni Duterte sa mga alegasyon, partikular sa paggamit ng confidential funds.

Kabilang dito ang mga resibong nakapangalan sa iba’t ibang indibidwal at umano’y malalaking gastos sa pagrenta ng mga safe house.

Hamon ng Palasyo, dapat mismong si Duterte ang magpaliwanag sa mga naturang alegasyon at hindi lamang umasa sa kanyang mga abogado habang inaakusahan ang administrasyon ng political persecution.