-- Advertisements --

Matagumpay na idinaos ng Philippine Red Cross (PRC) ang World First Aid Day 2026 noong Sabado, Setyembre 12, sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, kung saan halos 800 residente ang nabigyan ng dagdag na kaalaman tungkol sa tamang pagbibigay ng paunang lunas.

May temang “First Aid in Migration Contexts,” nakatuon ang aktibidad hindi lamang sa tamang pagsasagawa ng first aid, kundi maging sa paghahanda ng mga Pilipino na maging mentally, emotionally, at physically prepared sakaling kailanganing lumikas dahil sa sakuna.

Layunin din ng programa na palakasin ang kahandaan ng mga komunidad na maaaring makaranas ng displacement, evacuation, travel, temporary shelter, o pagbuo ng bagong tirahan sa hindi pamilyar na kapaligiran.

Bahagi rin ng layunin ng PRC na gawing mas madali at accessible ang pagbabahagi ng tama at praktikal na kaalaman sa first aid sa iba’t ibang komunidad sa buong Pilipinas.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, mahalagang life skill ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa first aid, lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang pagtugon.

“First aid is a life skill. In an emergency, the person who can make a difference may simply be the person who is there first. We want communities to have the knowledge and confidence to act while help is on the way,” ani PRC Chairman at CEO Richard Gordon.

Pinangunahan ng Safety Services ng PRC ang aktibidad, katuwang ang Welfare Services at PRC Manila Chapter.

Tinuruan ang mga kalahok kung paano tumugon sa mga karaniwang emergency, kabilang ang bleeding at wounds, cardiac emergencies, heat dehydration, gayundin ang mga paraan ng pagsagip ng buhay sa mga water-related incidents.

Bukod sa basic first aid, itinuro rin ng Welfare Services ang Pschological First Aid, psychosocial support, restoring family links at referral services.

Nagkaroon din ng mga aktibidad para sa mga bata upang maituro ang safe setting emergency preparedness sa paraang angkop sa kanilang edad.

Ayon naman kay PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang, mahalagang tingnan ang kabuuang pangangailangan ng isang indibidwal at ng pamilya sa oras ng emergency, hindi lamang ang pisikal na pinsala.

“Our response does not stop at treating an injury. We also look at the needs of the person and the family behind that emergency. By bringing first aid together with psychosocial support, family-linking and referral services, we are able to provide a more complete humanitarian response,” ayon naman kay PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang.

Ayon pa sa PRC, ang isang handa at may sapat na kaalaman na komunidad ay mahalagang susi upang mapanatiling ligtas ang bawat Pilipino, lalo na sa panahon ng sakuna at iba pang emergency.