CEBU CITY – Hindi lamang talino at mahabang oras ng pagrereview ang pinanghawakan ng 23-anyos na Cebuano matapos manguna sa buong Pilipinas sa September 2026 Electrical Engineering Licensure Examination.
Si Charles Anthony Santillan, na tubong Cebu City at nagtapos bilang Summa Cum Laude sa Cebu Institute of Technology-University ay nakakuha ng 94.25 porsiyentong rating.
Sa isang eksklusibong panayam sa Star FM Cebu, ibinahagi ni Santillan na labis ang kanyang pagkagulat nang malaman ang resulta dahil hindi niya inasahang siya ang magiging topnotcher.
Aniya, pakiramdam niya ay marami siyang nasagot na mali sa pagsusulit kaya inakala niyang mas mababa ang kanyang magiging rating.
“I was very surpised. Although I covered a lot, I didn’t expect to be the topnotcher because I got many items wrong. But luckily, my review is enough so I clinched the top spot,” saad pa nito.
Gayunman, matagal na niyang target na makapasok sa Top 10. Matapos niyang magtapos noong Mayo 2025, una sana niyang balak kumuha ng licensure examination noong Mayo ngayong taon ngunit ipinagpaliban niya muna ito upang magkaroon pa ng ilang buwang dagdag na panahon para mag-review lalo pa’t nahikayat din itong makakuha ng mas mataas na pwesto kung ganun.
Sa kanyang paghahanda, naglaan siya ng dagdag na oras sa pag-aaral, nagsagawa ng personal research at gumamit ng iba’t ibang digital tools upang mas mapalawak ang kanyang kaalaman sa mga posibleng paksang lalabas sa board exam.
Kabilang dito ang paggamit niya ng AI upang makahanap ng iba’t ibang resources na may kaugnayan sa mga paksa ng pagsusulit. Gumamit din siya ng flashcard applications at iba pang study tools upang mapalawak ang kanyang coverage, lalo na sa mga bagong paksa at mahihirap na konsepto.
Nang malaman niyang mahirap ang April 2026 examination, lalo pa niyang dinoble ang kanyang paghahanda.
Bagama’t marami siyang napag-aralan, hindi pa rin niya inasahang makukuha ang unang puwesto dahil aminado siyang may mga tanong siyang hindi nasagot nang tama.
Payo ni Santillan sa mga susunod na kukuha ng board exam na huwag lamang mag-focus sa mga karaniwang lumalabas na paksa.
Aniya, mahalagang palawakin ang coverage ng pag-aaral upang mas maging handa sa iba’t ibang uri ng tanong na maaaring lumabas sa pagsusulit.
Sa kabila ng pressure, sinabi ni Santillan na nakatulong sa kanya ang pag-iisip sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya. Alam niyang anuman ang maging resulta, tatanggapin pa rin siya ng mga ito, kaya hindi niya naramdaman na kailangan niyang pasanin ang pressure mula sa ibang tao.
Hindi rin siya karaniwang sumusunod sa mga tradisyunal na pamahiin bago ang isang malaking pagsusulit, gaya ng pagsusuot ng pulang underwear o paglalagay ng piso sa sapatos.
Para sa kanya, mas mahalaga ang palagiang pagdarasal at pagpunta sa simbahan.
Ngunit mayroon siyang isang kakaibang nakasanayan bago ang major exams—ang pagkain ng pizza.
Ayon kay Santillan, pinilit pa niya ang nagrank 3 sa naturang pagsusulit na kapwa nagtapos din sa unibersidad na gawin din ito bago ang kanilang exam.
Bilang King of Engineers 2025 ng CIT-U, matagal nang bahagi ng kanyang paghahanda ang pagtatakda ng malinaw na mga layunin.
Ibinahagi pa ng binata na isinulat niya sa isang whiteboard ang kanyang goal na maging number one sa unibersidad, hindi lamang sa engineering kundi sa lahat ng kurso.
Para sa 23 anyos, hindi kailangang maging pinakamatalino mula pa sa simula upang makamit ang isang malaking pangarap.
Aniya, mahalaga ang paniniwala sa sarili, pagpaplano at disiplina.
Kabilang sa kanyang mga payo ang pagiging mahigpit sa sariling schedule at pagtatakda ng mga panuntunan para sa sarili.
Mahalaga rin aniya ang pagdarasal araw-araw at pagsamba sa Diyos. Para naman sa mga hindi relihiyoso, sinabi niyang mahalagang magkaroon ng sariling motivation na nakaugnay sa kanilang mga layunin.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-angkop sa kasalukuyang teknolohiya, lalo na ang paggamit ng computers, AI at iba pang digital tools na makatutulong sa pag-aaral.
“Number 1, always be strict with your schedules and make rules. It’s okay to turn down invitations. Number 2, pray everyday and worship the Lord. If you’re not religious, you have to find your own motivation that is related to your goals. Third one is be able to adapt to the current technology. For me, using computers and AI is very helpful,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, balak muna niyang magbakasyon at magpahinga matapos ang kanyang matagumpay na board examination bago simulan ang susunod na yugto ng kanyang career bilang electrical engineer.















