Napatalon sa tuwa ang isang Boholano matapos malaman na nag-rank 7 siya sa August 2026 Medical Technologist Licensure Examination.
Si Jairoz Kent Soria, na tubong San Miguel, Bohol at nagtapos bilang magna cum laude sa Southwestern University PHINMA, ay nakakuha ng 91.70% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Soria, ibinahagi niyang halos buong araw siyang kinakabahan habang hinihintay ang resulta dahil naantala ang paglabas nito.
Ngunit nang tuluyang lumabas ang resulta at malaman niyang pang-pito siya sa buong bansa, hindi niya napigilang tumalon sa tuwa.
Ang una niyang ginawa ay magpasalamat sa Diyos, lalo na’t matagal niyang ipinanalangin na maging isa sa mga nangunguna sa board exam.
Ngunit aminado si Soria na matapos ang pagsusulit, halos nawala ang kanyang pag-asang mag-top dahil sa hirap ng exam.
“After the board, yung initial prayer ko is pumasa na lang. Pero gusto ko talagang mag-top para makapag-payback sa faculty ko,” ani Soria.
Hindi rin naging madali ang kanyang review season. Sa halip na kumuha ng March 2026 board exam, pinili niyang maghintay hanggang August upang magkaroon pa ng sapat na panahon para maghanda.
Ngunit kahit mas mahaba ang kanyang preparation period, naging malaking hamon pa rin para sa kanya ang pagrereview. Naranasan niya ang problema sa pagtulog at inilarawan ang bawat araw bilang isang pagsubok.
Para makapag-focus sa kanyang goal, nag-deactivate rin siya ng halos lahat ng kanyang social media accounts, maliban sa TikTok. Isinakripisyo rin niya ang ilang oras kasama ang kanyang pamilya.
Sa kabila nito, pinanghawakan niya ang prinsipyo na mahalagang patuloy na magpakita at magsikap araw-araw.
“Showing up matters,” ani Soria.
Bilang isang nagmula sa maliit na bayan sa Bohol, aminado si Soria na limitado ang kanyang mga oportunidad. Ngunit para sa kanya, hindi dapat maging sukatan ng magiging tagumpay ang lugar kung saan ka nagsimula.
“Your environment doesn’t dictate your reach. You’re capable of doing so much more,” mensahe niya sa mga nangangarap maging topnotcher, lalo na sa mga nasa probinsya.
Aniya, mahalagang maging malinaw sa sariling goals at manatiling determinado sa mga ito. Kailangan din umano ng matinding pananampalataya at paniniwala sa sariling kakayahan upang maabot ang malalaking pangarap.
Inialay naman ni Soria ang kanyang tagumpay sa kanyang pamilya, mga guro, at sa lahat ng taong naniwala sa kanya mula pa sa simula.
Para sa kanya, ang pagiging Top 7 ay isang “love letter” para sa kanyang pamilya at sa mga taong patuloy na naniwala sa kanya kahit may mga pagkakataong siya mismo ay nagduda sa kanyang kakayahan.
Isa rin sa kanyang mga inspirasyon ang kanyang dean, na naging Top 1 din sa Medical Technologist Licensure Examination.
Ngayon, nais ni Soria na suklian ang pagmamahal at suporta ng kanyang pamilya at ng mga taong tumulong sa kanyang paglalakbay. Nais din niyang ibahagi ang salita ng Diyos bilang bahagi ng kanyang pasasalamat sa biyayang natanggap.
Bagama’t batid niya ang mga hamon na kinakaharap ng mga medical technologist sa Pilipinas, kabilang ang mababang sahod at mabigat na workload, hindi pa rin niya isinasara ang posibilidad na manatili sa bansa.
Sa halip na mag-abroad, mas nais umano niyang maglingkod sa Pilipinas dahil naniniwala siyang may pag-asa pa ang bansa.
“I love to serve the Filipino people,” ani Soria.
















