Nanawagan si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan na isantabi ang pulitika at magkaisa ang mga opisyal ng gobyerno para matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa bansa.
Sinuportahan ni Yamsuan ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magkaroon ng “zero politicking” sa pagpapatupad ng mga proyekto laban sa baha upang matiyak na tama ang paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon kay Yamsuan, dapat nakabatay sa siyensya at datos ang mga solusyon sa pagbaha at kailangang nakaayon ang mga lokal na proyekto sa pangmatagalang plano ng national government.
Sinabi ni Yamsuan na makikipagpulong siya sa Philippine Space Agency (PhilSA) para pag-aralan kung kailangan ng dagdag na pondo para mapalakas ang paggamit ng satellite technology at artificial intelligence sa pagtukoy at pagmomonitor ng mga lugar na madaling bahain.
Binigyang-diin ni Yamsuan na hindi lamang Parañaque ang dapat pagtuunan ng pansin kundi ang buong bansa, lalo na sa banta ng mas malalakas na bagyo at pag-ulan dulot ng climate change.
Nagbabala ang mambabatas na maaaring lumala ang pagbaha sa ilang lugar kung hindi magkakaugnay ang mga proyekto. Halimbawa rito ang Manggahan Control Gate Structure sa Marikina na maaaring magpalipat ng malaking dami ng tubig baha patungong Laguna de Bay.
Para maiwasan ang ganitong problema, sinusuportahan ni Yamsuan ang Parañaque Spillway Project na layong ilabas ang sobrang tubig mula Laguna de Bay patungong Manila Bay at mabawasan ang pagbaha sa southern Metro Manila.










