-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na handa silang sumagot sa mga reklamong isinampa ni Davao City Acting Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte sa ilang mga miyembro ng PNP.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuano na maghihintay muna sila ng mga direktiba mula sa mga kinauukulang otoridad patungkol sa kanilang mga magiging susunod na hakbang hinggil sa usapin.

Kabilang kasi sa mga sinampahan ng reklamo sina dating PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, PGen. Nicolas Torre III at maging si dating PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo.

Ayon pa kay Tuano, bibigyan ng pagkakataon ang mga sangkot na pulis na makapagbigay ng kanilang sagot hinggil sa mga naturang isyu sa lalong madaling panahon bilang bahagi ng kanilang mga karapatan.

Samantala, nahaharap naman ang mga inirereklamong pulis sa mga kasong kidnapping, arbitrary detention, qualified direct assault, expulsion, at usurpation of judicial functions sa ilalim ng Revised Penal Code maging sa umano’y paglabag ng mga ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices.