KALIBO, Aklan — Gagamitin ng Philippine National Police (PNP) ang pribadong CCTV feed mula sa mga hotel, establisimyento, at event venues sa Boracay patungo sa kanilang central monitoring system upang lalo pang mapaigting ang real-time monitoring habang isinasagawa ang ASEAN Senior Economic Officials Meeting Retreat 2026 sa isla.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO-6) Regional Director PBGen. Josefino Ligan na ang pinalawak na CCTV network ang magsisilbing pangunahing mata ng PNP sa kahabaan ng baybayin ng isla at iba pang mahahalagang lugar.
Bagama’t wala pang natutukoy na banta, sinabi niyang mahalaga ang pagkakaroon ng nagkakaisang surveillance system upang mapanatili ang situational awareness at mabilis na pagtugon sa anumang insidente.
Pinaigting na rin ang mga checkpoint, pag-deploy ng mas maraming pulisya sa mga estratehikong lugar, at nananatiling naka-high alert ang mga intelligence unit matapos ang serye ng mga bomb threat sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Muling iginiit ni Ligan na kahit walang kumpirmadong banta, kinakailangan ang mas mataas na security posture upang matiyak ang maayos na pagdaraos ng mga aktibidad ng ASEAN.
Nabatid na noong Disyembre 4, nagsagawa ang ASEAN Site Task Group “Boracay” sa ilalim ng PRO-6 ng full-scale tabletop exercises at communication drills kasama ang national at iba pang local partner agencies.
















