-- Advertisements --

cpnpeleazar

Pinaalalahanan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga pulis na mang-aaresto ng mga face mask violators na huwag saktan at pahirapan ang mga ito.

Una nang ipinag-utos ni Eleazar na arestuhin ang mga face mask violators batay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Eleazar ang kaniyang pahayag sa isinagawang 1st command conference na kaniyang pinangunahan ngayong araw.

Siniguro ni Eleazar sa publiko na kanilang rerespetuhin ang karapatang pantao sa paghuli sa mga face mask violators.

Giit ni PNP chief, ang utos ng pangulo ay patunay na seryoso ang gobyerno sa pagpapatupad ng minimum health safety standard protocols para mapigilan at maiwasan ang paglaganap pa ng COVID-19 virus.

Bilang dating commander ng JTF Covid Shield, sinabi ni Eleazar bumababa ang infection rate sa sandaling ipatupad ang istriktong quarantine measures gaya sa Metro Manila na idineploy noon ang mga SAF troopers at sundalo na para matiyak na nasusunod ang health and safety protocols.

Giit ni Eleazar, kaniyang naiintindihan ang mga concerns ng publiko sa pag-aresto sa mga hindi nagsusuot ng face mask, pero giit nito na mahalaga ito para matiyak na nasusunod ang minimum health safety standard protocol.

Ayon kay Eleazar may mga kababayan talaga tayo na pasaway kaya sila ang target ng mga pulis para hulihin.

Paliwanag ni PNP chief nakapaloob na sa mga local ordinances ang parusang ipapataw sa mga mahuhuling lumabag sa minimum health safety protocols kaya walang dahilan na saktan at parusahan ng mga pulis ang mga ito.

Kaya apela ni Eleazar sa mga kababayan natin na magsuot ng face mask at sundin ang minimum health safety standard protocol dahil kung hindi, tiyak mananagot ang mga ito sa pulis.

Naghahanda na rin ang PNP ng detention areas para doon sa mga maaarestong face mask violators.