-- Advertisements --

Ipinag-utos ni PNP chief General Guillermo Eleazar ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na siguraduhing maipaalam sa mga pulis ang mga bagong panuntunan sa ilalim ng alert level system ng COVID-19 quarantine classification na ipatutupad sa Metro Manila.

Ito ay matapos aprubahan ang provisional guidelines para sa naturang quarantine classifications.

Sinabi ni Eleazar, dapat maging fully informed ang mga lahat ng police personnel sa ground lalo na yung mga pinapayagan at hindi pinapayagan sa bawat quarantine alert level.

“Before September 16, NCRPO units should have coordinated with LGUs to determine the quarantine alert in their areas of responsibility so they could effectively enforce the granular lockdowns,” dagdag pa ni Gen. Eleazar.

Binigyang diin pa ni PNP Chief ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na Pamahalaan para sa mga bagong panuntunan at paraan din ito para tulungan ang mga healthcare workers na nagsilbing frontliner sa pagtugon sa COVID-19 ng mahigit isang taon na.

Kasama sa mga bagong guidelines ay ang Alert Level 4 na siyang pinakamataas na risk classification na kung saan, ang dine-in, personal services at mass gatherings ay hindi pinapayagan.

Limitado lamang din sa mga healthcare workers at umuuwi o umaalis na Overseas Filipino Workers ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na papayagang lumabas. Ibig sabihin, kahit ang mga opisyal ng Gubyerno ay hindi papayagang lumabas ng bahay sakaling magpatupad ng localized lockdown sa kanilang lugar.

Umapela si Eleazar sa publiko na makiisa at unawain ang mga bagong reglamento dahil ito ay para naman sa kaligtasan na rin ng lahat.

“Humihiling tayo sa publiko ng kaunting pang-unawa at pakikisama sa mga panuntunan na ipinatutupad ng pamahalaan dahil na din sa patuloy na banta ng COVID-19. Kailangan itong gawin para pangalagaan ang ating kaligtasan at kalusugan at upang mapigilan ang lalong pagkalat ng coronavirus,” ayon sa Chief PNP.