-- Advertisements --

Matapos ibunyag ni Liza Soberano ang matitinding pinagdaraanang trauma noong kanyang kabataan sa Amerika, nagsalita na ang dating manager nitong si Ogie Diaz upang ipagtanggol at suportahan ang aktres.

Dito kinumpirma ni Ogie na totoo ang naranasang trauma ni Liza na aniya’y alam niya ang ilan sa mga pinagdaanan ni Liza at pinuri ang lakas ng loob nito.

‘Nai-kuwento ‘yan ni Liza sa amin, syempre kapag tatanggap ka ng talent kailangan makilala mo ‘yung tallambuhay niya,’ ani Ogie sa kanyang vlog noong Agosto 17.

Isinalaysay din niya na hindi gusto ni Liza ang mga manika at egg trays dahil sa mga masasamang alaala ng kanyang kabataan.

Matatandaan sa isang podcast episode ng “Can I Come In?” ni Sarah Bahbah, inilahad ni Liza ang pagkakakidnap sa kanila ng kanyang kapatid noong mga bata pa lamang sila, ang pagiging adik sa droga ng kanyang ina, at ang pagmamalupit ng kanilang foster parents—kabilang ang pagpapakain sa kanya ng dumi ng aso at pagkulong sa kanya sa garahe.

Dagdag pa ni Ogie, humingi ng tulong si Liza sa isang psychiatrist noong siya’y bata pa, bilang bahagi ng pagproseso ng kanyang trauma. “Kami ni tita Joni na, parang guardians ni Liza, hindi naman kami mga doktor. Alam ko rin naman na nakikipag-kita siya sa psychiatrist noon,” ani Diaz.

Naniniwala rin si Diaz na nakaambag ang mga naranasan ni Liza sa husay nito sa pag-arte pagdating sa emosyonal na eksena.

Bukod dito, pinatotoo pa ni Ogie na pangarap daw talaga ni Liza na maging artista, taliwas sa mga dating interview ng aktres kung saan sinabi nitong hindi niya talaga balak mag-artista.

‘Ako ha, ito kuwento ko naman to na gusto niya naman mag, artisa,’ dagdag pa ni Ogie.

‘Hindi, sa totoo lang, oo gusto talaga mag-artista ni Liza, ngayon kung ang claim ni Liza na ayaw niya…sabi ko nga sa inyo kanya-kanyang kuwento na’tin,’ paglalahad pa ni Ogie ng matanong sa isyu na tinanggi ni Liza na gusto nitong maging artista.

Samantala, kinumpirma rin ni Liza sa nasabing podcast na halos tatlong taon na silang hiwalay ng dating ka-love team na si Enrique Gil, na tinawag niyang “unang pag-ibig” at “safety net.”

Magugunitang si Liza Soberano ay dating alaga ni Ogie bago lumipat sa Amerika upang subuking pasukin ang Hollywood at pumirma sa Careless, ang talent agency na pinamumunuan ni James Reid.