Sa isang matapang na pag-amin, kinumpirma ng aktres na si Liza Soberano na matagal na silang hiwalay ng dating ka-love team at nobyo nitong si Enrique Gil.
Sa panayam ng aktres sa podcast na “Can I Come In?” noong Huwebes, Agosto 14, ibinahagi ni Liza sa filmmaker na si Sarah Bahbah ang estado ng kanilang relasyon ni Enrique, na kilala rin sa palayaw na “Quen.”
‘I’ve been itching to tell people this because I haven’t been very truthful. Quen hasn’t been very truthful. Quen and I broke up,’ pahayag ni Liza.
Ayon kay Liza, halos tatlong taon na mula nang tuluyan silang maghiwalay, ngunit napagdesisyunan nilang huwag munang isapubliko ito sa kahilingan ni Enrique.
“I agreed to that because I also didn’t want it to be real,” dagdag pa niya, habang inamin din ang kanyang takot na maapektuhan ang kanyang career at imahe sa publiko.
Bagama’t matagal na silang wala, sinabi ni Liza na maayos at puno pa rin ng pagmamahalan ang naging pagtatapos ng kanilang relasyon.
‘When I broke up with him, I would say it was such a beautiful breakup because it was still so, so full of love… I still love him as a person,’ emosyonal na paglalahad ng aktres.
Inamin din niya na umabot sa punto na pinag-isipan na niyang magpakasal kay Enrique, ngunit kalaunan ay napagtanto niyang kailangan niyang hanapin ang kanyang sarili – kahit na ang ibig sabihin nito ay tuluyang maghiwalay sila.
‘That’s not to say he is a bad person. He didn’t do anything bad. Nothing bad happened. Our breakup was really good, it was just that we weren’t a match anymore,’ paglilinaw pa ni Liza.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Enrique Gil ukol sa rebelasyon ng dating kasintahan.