Hindi maipaliwanag ng aktres at model na si Liza Soberano at Filipino-American Grammy award winner H.E.R ang kanilang labis na kasiyahan nang mapabilang sa paparating na Filipino animated film na “Forgotten Island” mula sa sikat na American animated production.
Ang pelikula ay hango sa mayamang kulturang Pilipino, kabilang ang mga alamat, tradisyon, at pang-araw-araw na buhay sa bansa.
Ayon sa dalawa, mahalaga ang proyektong ito dahil maipapakita nito ang tunay na mukha ng Pilipinas sa buong mundo.
Gagampanan ni Liza ang karakter na si ‘Raissa,’ na aniya ay malapit sa kanyang puso dahil sumasalamin ito sa karanasan ng maraming Pilipino, lalo na ang isyu ng mga pamilyang naghihiwalay dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa o ang tinatawag na OFW culture.
Samantala, si H.E.R., na magbibigay-boses sa karakter na si ‘Jo,’ ay proud ding ibinahagi ang kanyang pagiging Pilipino.
Aniya, tampok sa pelikula ang mahahalagang aspeto ng kulturang Pinoy tulad ng pagpapahalaga sa pamilya, mga salu-salo, pagkain, tradisyon, at maging ang karaoke, na tiyak na makaka-relate ang mga manonood sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bukod sa kulturang Pilipino, iikot din ang kuwento sa pagkakaibigan, lalo na sa samahan ng dalawang batang magkaibigan. Ipinakita rin sa inilabas na trailer ang iba’t ibang elementong Pinoy gaya ng jeepney, mga tipikal na komunidad, at karaniwang silid-aralan sa Pilipinas.
Kabilang din sa cast ng pelikula sina Lea Salonga, Dolly de Leon, Manny Jacinto, at Jo Koy, kasama sina Jenny Slate at Ronny Chieng.
Inaasahang mapapanood ang “Forgotten Island” sa mga sinehan sa Setyembre 23.















