-- Advertisements --

Pinuri ng Council for the Welfare of Children (CWC) si aktres Liza Soberano nitong Lunes matapos niyang isiwalat ang mga pinagdaanang karahasan at kapabayaan sa kanyang kabataan.

Ayon sa CWC, ang pagbabahagi ni Soberano ay nagbigay-liwanag sa kalagayan ng maraming batang Pilipino na nakararanas ng pang-aabuso sa loob mismo ng kanilang tahanan.

Matatandaan sa isang podcast episode ng “Can I Come In?” ni Sarah Bahbah, inilahad ni Liza ang pagkakakidnap sa kanila ng kanyang kapatid noong mga bata pa lamang sila, ang pagiging adik sa droga ng kanyang ina, at ang pagmamalupit ng kanilang foster parents—kabilang ang pagpapakain sa kanya ng dumi ng aso at pagkulong sa kanya sa garahe.

Binigyang-diin ng CWC na ang karanasan ng aktres ay paalala sa tahimik na pagdurusa ng maraming bata, at nagpapakita ng pangangailangan para sa mas matibay proteksyon sa mga kabataan.

Hinimok ng Council ang publiko, mga komunidad, at pamahalaan na maging mapagmatyag sa mga senyales ng pang-aabuso at kapabayaan sa mga bata, at agad umanong kumilos upang ito’y matugunan.

Ipinaalala rin ng CWC ang kahalagahan ng maagang interbensyon, at psychosocial support.

Sinabi pa ng CWC na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development, kapulisan, Local Government Unit, at iba’t ibang grupo upang matiyak ang agarang aksyon sa mga isyung may kinalaman sa child protection.