-- Advertisements --

Ipinakita ng ilang mga LGBTQIA+ community celebrity dad na sila ay kaya ring maging ama sa totong buhay kung saan ginugunita ngayong araw ang Father’s Day.

Isa sa mga kilalang personalidad na nag-out sa publiko ay si Ogie Diaz, isang showbiz insider at talent manager. Bagamat siya ay isang bukas na ‘beki’, proud na ama siya sa kanyang limang anak. Si Ogie ay higit dalawang dekada nang kasal kay Georgette del Rosario, at naging tapat na tagapagtaguyod ng kanyang pamilya.

Aminado si Ogie na noong siya’y pitong taon pa lamang, alam na niyang siya ay bakla. Sa isang vlog kay Vicki Belo, ibinahagi ni Ogie kung paano siya nag-out sa kanyang mga anak.

“Nagdala si Erin ng picture (naming) tatlo kasi Father’s Day tapos nakita ng kaklase niya, ‘yung picture, [tapos ang sabi], ‘Bakla naman ‘yang daddy mo, e.’ Sabi ko, ‘Next time, ‘pag nag-insist sila na bakla (ang) daddy niyo, ‘wag kayong magagalit,” kuwento ni Ogie.

Isa pang personalidad ang kilalang host ng noon time show na si Paolo Ballesteros, na nagbigay ng pahayag na siya ay isang “lady” at bahagi ng LGBTQIA+ community. Sa kabila ng pagiging bukas na bakla sa publiko, isang anak na babae ang ipinagmamalaki ni Paolo sa kanyang ex-girlfriend na si Katrina Nevada.

Ayon kay Paolo, tinanggap at mahal na mahal siya ng kanyang anak, at noong dumating ang prom night nito, siya pa ang naging escort ng kanyang anak sa prom.

Hindi rin nagpahuli si Joel Cruz, ang kilalang negosyante na may walong anak mula sa surrogacy. Kilala si Joel bilang isang proud gay father at siya’y isa sa mga nagpapakita na ang pagiging ama ay hindi nakabase sa sekswalidad.

Ang kanyang mga anak, kabilang na sina Sean at Synee (panganay na kambal), Prince Harvey at Prince Harry, at marami pang iba, ay naging simbolo ng pagmamahal at responsibilidad sa kabila ng pagiging isang single parent nito.

Sa kanyang Instagram, ibinahagi niya: “A proud father of 8 children! Single father, GAY, happy, responsible & very blessed!”

Samantala kilala rin si Arnell Ignacio, isang TV personality at ngayon ay politiko, bilang proud gay father. Bagamat unang naging kontrobersyal ang kanyang sekswalidad, hindi siya nahirapan tanggapin ang kanyang sarili. Mayroon siyang isang anak sa kanyang ex-wife na si Frannie Ignacio.

Habang kilala rin si Jovit Moya, isang dating kilalang personalidad, ay na may siyam na anak sa mga kababaihan bago niya inamin ang kanyang tunay na sekswalidad noong 2004.

Sa kabila ng mga spekulasyon at kontrobersiya, patuloy na ipinagmamalaki ni Jovit ang kanyang mga anak at nagsilbing inspirasyon sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Ngayon, siya ay isang health advocate, tumutulong sa mga miyembro ng komunidad na may HIV/AIDS.