-- Advertisements --

Pormal nang nagsampa ng kaso ang OPM girl group na BINI, kasama ang kanilang abogadong si Atty. Joji Alonso, laban sa isang indibidwal kaugnay ng umano’y paglabag sa Cybercrime Prevention Act at “unjust vexation” o tumutukoy sa anumang gawain ng isang tao na walang sapat na dahilan o legal na batayan, ngunit nakaaabala, nakakainis, o nakapagdudulot ng mental o emosyonal na perwisyo sa iba, kahit walang pisikal na pananakit.

Inihain ang reklamo nitong Lunes, Agosto 18, 2025, sa Hall of Justice sa Sta. Rosa, Laguna.

Ayon kay Atty. Joji, ang kaso ay hindi libel kundi paglabag sa Article 287 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 4(b) ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nag-ugat ang reklamo mula sa isang pinaikling video ng BINI habang kumakain ng street food. Ayon sa abugado, pinutol ang orihinal na 25-minutong video at ginawang 2 minuto lamang, kung saan puro negatibong reaksyon ang ipinakita. Dahil dito, nagdulot ito ng maling impresyon sa publiko.

Dahil sa naturang video, nakaranas umano ang mga miyembro ng BINI ng matinding online bashing, pagbabanta, at personal na paninirang puri na nakaapekto sa kanilang mental at emosyonal na kalagayan.

Dagdag ni Alonso, ang hakbang na ito ng BINI ay mensahe laban sa online bullying at paninira na panahon na aniya para matigil ang ganitong klase ng pang-aabuso online.

Kung mapatunayang nagkasala, ang respondent ay maaaring makulong ng anim hanggang labindalawang taon. Humihiling din ang kampo ng BINI ng danyos na P1 million para sa bawat miyembro ng grupo.