-- Advertisements --

Patuloy na namamayagpag ang female P-pop group na BINI matapos nilang tanghaling Best Female Group sa 2025 Jupiter Music Awards sa Jakarta, Indonesia.

Binubuo ang grupo nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena.

Bagama’t kinilala ang pagkapanalo ng grupo noong Setyembre, ang tropeo ay naipresenta lamang noong Sabado, Nobyembre 29, sa Emtek Studio City.

Hindi personal na dumalo ang grupo dahil sabay ito sa kanilang “BINIfied” year-end concert sa Philippine Arena sa Bulacan.

Ipinagdiwang naman ng kanilang label, ang tagumpay sa social media. Bukod sa Best Female Group, nominado rin ang BINI sa Album of the Year, Song of the Year, Collaboration of the Year, at Music Video of the Year.

Pinili ang mga nanalo sa pamamagitan ng fan votes, kung saan ang preliminary round ay ginanap mula Hulyo 18 hanggang Agosto 1, at final round mula Agosto 8 hanggang 29.

Ito ay karagdagang tagumpay para sa BINI ngayong 2025, na tampok ang paglabas ng kanilang ikatlong studio album na “Flames” noong Nobyembre at iba pang award show appearances.