-- Advertisements --

Iniutos ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon sa likod ng tangkang pagbebenta ng ₱15.5 milyong halaga ng DSWD relief goods na natuklasan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang operasyon sa isang bodega sa Tondo, Maynila noong Oktubre 2.

Nasamsam ng mga operatiba ang 6,000 kahon ng DSWD Family Kits na may markang “Not for Sale” na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek na nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act at Article 179 ng Revised Penal Code.

Ayon kay Nartatez, hindi ito gawa ng iisang tao lamang at patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang sangkot, kabilang ang posibleng mga sindikato o insider sa loob ng ahensya. Nauna naman ng nilinaw ng DSWD na wala sa kanilang personnel ang dawit sa naturang insidente.

Tiniyak ng hepe ng pambansang pulisya na mananagot ang lahat ng nakinabang sa mga relief goods na nakalaan para sa mga biktima ng kalamidad.

Nakikipagtulungan na rin ang PNP sa DSWD para palakasin ang monitoring at tracking system laban sa pag-abuso sa mga ayuda.