Nasabat ng CIDG National Capital Region Regional Field Unit- Special Operations Team kasama ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 6,000 kahon ng relief goods na may logo ng DSWD at may markings na “Not for Sale” na nagkakahalaga ng mahigit P15 million sa isang bodega sa Juan Luna St., Brgy. 56, Tondo, Manila.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng suspek na kinilalang si “Janice” dahil sa iligal na pagbebenta ng relief goods at iligal na paggamit ng insignia, dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng official logo ng DSWD.
Nilinaw naman ng DSWD na walang koneksiyon sa ahensiya ang mga nadiskubreng items maging ang warehouse. Wala din aniyang DSWD personnel ang sangkot sa naturang insidente.
Mariin namang kinondena ng DSWD ang hindi awtorisadong paggamit ng kanilang official logo at ang anumang pagtatangkang i-mislead ang publiko, na hindi lamang nakakapanloko ng mga indibidwal kundi dinudungisan nito ang integridad at kredibilidad ng ahensiya.
Kaugnay nito, nagpahayag ng buong suporta ang kagawaran sa nagpapatuloy na imbestigasyon at nakahandang gawin ang lahat ng kailangang legal na aksiyon laban sa mga mapapatunayang responsable.
Ayon kay CIDG Acting Director PMGen. Robert Morico II, nag-ugat ang naturang operasyon sa isang report kaugnay sa umano’y pagbebenta ng DSWD Family Kit relief goods na may markings na “Not for Sale”.
Ang pagkakadiskubre naman ng naturang mga relief goods ay sa gitna ng nagpapatuloy na relief mission ng DSWD at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan kasunod ng tumamang malakas na lindol sa Cebu at sa gitna ng pagbayo ng bagyong Paolo sa bansa.