Tikom ang bibig ni PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa sa dahilan ng pagsibak sa puwesto sa kontrobersyal na si PLt. Col. Jovie Espenido sa Bacolod City Police Office.
Tumanggi namang ilahad sa media ni Gamboa ang mga pangalan ng mga police officers na sangkot sa iligal na droga na nasa drug watchlist ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi rin kinumpirma ng PNP ang lumabas na report na kabilang si Espinido sa drug watchlist.
Batay kasi sa report, kabilang si Espinido sa mga police officers na pinatawag ni Gamboa dahil kabilang sila sa listahan ng Pangulo.
Ayon sa hepe ng pulisya, hindi muna nila ilalahad ang mga pangalan ng mga narco cops dahil itinuturing pa rin silang inosente.
Relieved na sa kani-kanilang pwesto ang nasa 357 na umano’y mga narco cops.
Kinumpirma naman ni Gamboa na umabot na sa 15 ang mga pulis na nagsumite ng optional retirement.
Pero nilinaw nito na kapag nag-avail sila ng early retirement hindi ibig sabihin lusot na sila sa kaso.
Ipinasasalang na rin ni Gamboa sa pre-charge investigation ang 43 pulis na nag-AWOL matapos mapabilang sa drug watchlist.
Sa ngayon, nasa 229 na lamang na mga pulis ang isasalang ng Adjudication Team ng PNP.
Ibinunyag naman ni Gamboa na dalawang police brigadier general o one-star general ang kabilang sa narco-list.