Nanindigan si PNP Chief PGEN Benjamin Acorda Jr. na hindi siya lalamya-lamya sa pagdidisiplina sa lahat ng mga pulis.
Ito ang binigyang-diin ng heneral matapos ang naging pahayag ng Volunteers Against Crime and Corruption na dapat nang gumamit ng kamay na bakal ang pinuno ng Pambansang Pulisya kasunod ng magkakaibang insidente at krimeng kinasasangkutan ng ilang mga pulis.
Aniya, sa kabila ng malamyang pagsasalita ay istrikto naman siya at hindi malambot sa pagpapatupad ng batas bilang hepe ng buong hanay ng kapulisan.
Ayon kay Acorda, hindi naman daw niya kasi style ang pagiging brusko at pagpapakita ng tapang sapagkat sapat na aniyang naipapatupad ng tama ang mga policy at guidelines ng organisasyon.
Sa katunayan pa nito ay sinabi pa niyang maraming takot sa kaniya dahil marami na aniya siyang nasampolan at sinibak sa serbisyo partikular na mga pulis na sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Matatandaang una nang nagpahayag ng pagkadismaya si Gen. Acorda sa mga insidenteng kinasasangkutan ng ilan sa kaniyang mga tauhan dahil sa idinulot nitong negatibong impresyon sa buong organisasyon.
Kung maaalala, una nang iniulat ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na mayroong 2,304 na mga pulis ang napatawan ng kaparusahan bilang bahagi ng paglilinis sa buong hanay ng kapulisan.
Kaugnay nito ay kapwa binigyang-diin ng kalihim at hepe ng Pambansang Pulisya na sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa naturang organisasyon ay mas marami at nananaig pa rin ang bilang ng mga matitinong miyembro ng kapulisan na maayos na ginagampanan ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.