-- Advertisements --

Nagbabala si National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya sa China laban sa posibleng militarisasyon o pagtatayo ng mga pasilidad sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay Malaya, ito ang isa sa mga pangunahing binabantayan ng Pilipinas, lalo na at palaging naroon ang presensiya ng mga Chinese vessel.

Nakababahala aniya ang posibilidad na magtayo ang China ng artificial islands sa naturang bahura, at tuluyang gawin ito bilang militarized zone.

Giit ni Malaya, malinaw ang legal status ng BDM bilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas kaya’t kung gagawin ito ng China, ituturing na aniya ito ng pamahalaan ng Pilipinas bilang ‘crossing a red line’ at tiyak na gagawa ng akmang tugon o kasagutan.

Ayon sa NSA official, nakahanda ang gobiyerno ng Pilipinas para protektahan ang karapatan nito sa naturang maritime feature na nasa ilalim pa rin ng exclusive economic zone ng bansa.

Ang Bajo de Masinloc ay nagsisilbing pangunahing fishing ground ng mga mangingisdang Pilipino, lalo na ang mga nakabase sa Zambales, isa sa mga probinsyang direktang nakaharap sa West Philippine Sea.

Ito ay mayroon lamang 124 milya na layo mula sa Masinloc, Zambales habang aabot sa 472 milya ang layo nito sa pinakamalapit na landmass ng China na Hainan province.