Balik na sa mga normal na operasyon ang hanay ng Philippine National Police (PNP) matapos ang kanilang matagumpay na paglilingkod nitong nagdaang midterm elections.
Sa kaniyang mga naging pahayag sa naging flag ceremony kanina sa loob ng Kampo, inihayag ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na ang pagbabalik ng kanilang hanay sa normal operations ay isang hudyat na nagampanang maayos ng PNP ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng mangilan-ilang insidenteng naitala noong eleksyon.
Aniya isa sa pinakamalaking success ng kanilang hanay ang naging magandang resulta ng halalan na siyang generally peaceful at walang naitalang major incidents.
Nauna na dito ay nagpasalamat naman ang hepe sa mga pulis na silang nagbantay nitong halalan katuwang ang ilang military personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang mga tumulong para sa pagpapairal ng mahigpit na seguridad sa grounds.
Matapos naman ng eleksyon, tiniyak ni Marbil na hindi lamang sa eleksyon natatapos ang pagtupad ng mandato ng kanilang hanay.
Aniya sa pagbabalik nila sa kanilang mga normal na operasyon, kailangang ipakita ng kanilang hanay na kaya pala ng mga kapulisang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko kahit hindi araw ng eleksyon.
Basta palagi lamang pairalin ang pagtutulungan ay makasisiguro na tiyak ang pagiging ligtas ng mga mamamayang pilipino sa loob ng bansa.
Samantala, tiniyak rin ng PNP na naresolba agad ang mga naitalang insidente noong eleksyon at nabigyang solusyon rin agad ng kanikang hanay katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.