-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na mananatili silang naka alerto kasunod ng mga isinagawang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo na naglalayong ipahayag ang kanilang pagtutol sa katiwalian.

Ang desisyong ito ay ginawa upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa gitna ng patuloy na panawagan para sa transparency at accountability sa gobyerno.

Sa kabila ng pagtaya ng PNP na ang mga isinagawang pagkilos sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong weekend ay naging maayos at mapayapa, nananatili pa rin ang paghihigpit.

Ito ay upang maging handa sa anumang posibleng senaryo at upang mapigilan ang anumang kaguluhan na maaaring sumulpot.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, hindi lamang 2,100 mga pulis ang ipinakalat, kundi mayroon ding karagdagang 1,500 na magsisilbing Reactionary Standby Support Force (RSSF).

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla na nananatiling nakataas ang Red Alert status ng kanilang mga tauhan.

Ito ay nagpapahiwatig na ang AFP ay nasa mataas na antas ng paghahanda at handa silang tumulong sa PNP kung kinakailangan.

Gayunman, tiniyak ni Col. Padilla na walang dapat ikapangamba ang publiko hinggil dito.

Ang kanilang presensya ay hindi nangangahulugang may banta sa seguridad, kundi layon lamang nito na tiyakin na may sapat na suporta silang maibibigay sa PNP bilang kanilang mandato na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Una rito, binigyang-diin ng PNP na paiiralin pa rin nila ang maximum tolerance. Ito ay upang masigurong maipararating ng mga Pilipino ang kanilang saloobin hinggil sa mga usaping bumabalot sa lipunan sa kasalukuyan nang hindi hinaharangan o pinipigilan.