Pinakikilos na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Anti-Cybercrime Group para bantayan ang galaw ng mga nagsasamantala sa COVID-19 response ng gobyerno.
Ito’y matapos ibunyag ng Bureau of Immigration (BI) na may ilang kawatan na ginagamit ang ahensya para magbenta ng pekeng entry permit sa mga dayuhan sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, kanilang sisiguraduhin na mananagot ang mga pasaway dahil hindi aniya ito katanggap-tanggap na magsamantala sa panahon ng pandemiya.
Modus ng grupo na magturo ng Immigration Officer sa mga dayuhan upang siyang mag-ayos umano ng permit sa kanilang pagpasok sa bansa.
Subalit mabibisto na lang ng biktima na bogus pala ang itinuro ng scammer at natangay na ang perang ibinayad ng pobreng dayuhan na kumuha ng pekeng permit.
Maliban sa mga pekeng entry permit, sinabi ng PNP Chief na kanila ring tinututukan ang iligal na pagbebenta ng mga pekeng vacccination cards at RT-PCR test result online.
Kaya naman nanawagan si Eleazar na agad isumbong sa mga awtoridad sakaling maengkuwentro nila ang mga kawatan upang hindi na makapambiktima pa.