Palalakasin pa umano ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) ang “Honor System” para tuluyan nang matuldukan ang isyu sa hazing sa loob ng akademya.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa nag-resign na si PMA Commandant of Cadets BGen. Bartolome Bacarro, ang isa sa mga gagawin nilang drastic action sa ngayon ay ang magdagdag ng mga probisyon sa Honor Code at palalakasin pa ito.
Batay sa umiiral na honor system hindi ito maaaring gamitin sa direct question para mabatid kung lumabag sa regulasyon ang isang kadete.
Ayon naman sa nagbitiw na PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista, isa sa drastic intervention na kaniyang ipapatupad ay palakasin ang honor system para ang kasong maltreatment ay hindi na ituturing na paglabag sa regulasyon kundi paglabag na sa Anti-Hazing Law.
Sinabi ni Evangelista lahat ng physical intervention ay kanila ng ipinatupad matigil lamang ang hazing pero di pa rin natitinag ang ibang mga kadete.
Pero dahil sa gagawin nilang pagbabago maaari na nilang i-direct question ang mga plebo.
Samantala, para kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col Noel Detoyato kasunod ng kontrobersiya sa PMA na dapat dagdagan pa ang mga tactical officers na magmo-monitor sa mga kadete.
Aniya, sa dami ng kadete hindi ito nababantayan ng mga tactical officers.