Naging maayos at mapayapa ang isinagawang plebisito sa Maguindanao at panalo ang “Yes” vote, ibig sabihin pabor ang mga botante na hatiin sa dalawa ang probinsiya.
Inanunsiyo ngayong umaga ni Commission on Elections (Comelec) spokesman Rex Laudiangco ang figures na naka base sa official plebiscite municipal canvass of votes, subalit subject pa rin ito sa full canvass ng provincial board of canvassers ngayong araw.
Batay sa figures, nasa 707,651 voters o nasa 99.27% ang mga participants na sumagot ng “yes” sa tanong na “Do you agree to divide the province of Maguindanao into two separate provinces to be known as Maguindanao del Norte and Maguindanao del Sur, batay sa Republic Act No. 11550?”
Sinabi ni Laudiangco nasa kabuuang 5,206 voters ang sumagot ng “no.”
Ang voter turnout para sa naturang plebisitio ay nasa 80.84%.
Sa kabilang dako, ayon naman kay Comelec Chair George Garcia, naging maayos at mapayapa ang simula hanggang sa matapos ang plebisito.
Sinabi pa ni Garcia na walang aberya na nangyari at lahat ng presinto ay nagsimulang magbukas alas-7:00 ng umaga.
“This means that our preparations were successful because all the election paraphernalia arrived on time, all Electoral Board members were there on time. We thank all Maguindanaoans. You have shown that you are in control of your future,” dagdag pa ni Garcia.
Ayon naman kaya Comelec-BARMM Director Atty. Ray Sumalipao walang naitalang election-related incident ang naiulat hanggang sa nagsara ang mga presinto alas-3:00 ng hapon.
Nasa mahigit 1,500 police personnel ang dinipeloy ng PNP para matiyak na maging maayos at mapayapa ang plebisito.