Natanggap na ng Villar Land Holdings Corporation at mga opisyal nito ng kautusan mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) na magbayad ng P12 milyon bilang multa sa halip na patawan ng suspensyon ng kanilang Registration Statement at Permit to Offer and Sell Securities.
Nabatid na pinatawan sila ng P2,000 na multa kada araw ng pagkaantala simula Hulyo 1, 2025 hanggang sa maisumite ang Annual Report at Q1 2025 Quarterly Report.
Inutusan din sila ng SEC na magpaliwanag kaugnay ng umano’y paglabag sa Securities Regulation Code, Financial Products and Services Consumer Protection Act, at Revised Corporation Code.
Bukas naman ang Villar Land sa pagkakataong maipaliwanag ang kanilang panig at nakatakdang tumugon sa kautusan ng SEC sa takdang panahon.
Nilinaw din ng kompaniya na ang pagkaantala sa pagsusumite ng mga ulat ay hindi dahil sa pagtanggi ng external auditor, kundi sa paulit-ulit nitong kahilingan para sa karagdagang audit procedures.
“We wish to clarify that the delay in the filing of the Annual Report and the Q12025 Quarterly Report is not due to the refusal of our external auditor to sign the 2024 Audited Financial Statements but because of said auditor’s varying requests for additional audit procedures to review the valuation of the properties acquired by Villar Land in Villar City,” saad ng kanilang statement.
Bagamat naniniwala ang Villar Land na ang fair value ng mga ari-arian sa Villar City ang dapat ipakita sa financial statements, pumayag silang gamitin ang cost basis upang mapabilis ang paglabas ng 2024 Audited Financial Statements.