VIGAN CITY – Naghahanda na ang 10 Filipino boxers na binubuo ng 7 lalaki at 3 babae na sasabak sa qualifying rounds ng Tokyo 2020 Olympics na isasagawa sa February 4 hanggang February 20 sa China.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Elmer Pamisa, isa sa mga coach ng national boxing team ng bansa, nasa Rizal Memorial Sports Complex na umano ang mga Pinoy boxers na sasabak sa nasabing qualifying rounds para sa kanilang mahigpit na training.

Aniya, mabibigyan ang mga Pinoy boxers ng ilang araw na break o pahinga hanggang sa January 2 para makasama at makausap ang kanilang pamilya bago muling sumabak sa training at bago tumulak sa Thailand para sa mas maigting na pagsasanay.

Idinagdag nito na bagama’t malaki ang kaniyang tiwala sa mga Pinoy boxers dahil sa kanilang ipinakitang performance noong Southeast Asian Games, hindi nito isinasantabi ang galing ng mga boksingerong galing sa ibang bansa na kanilang makakalaban sa qualifying rounds ng Tokyo Olympics.

Ang mga makakakuha ng gold, silver at dalawang bronze medal sa unang bahagi ng qualifying rounds ang siguradong makakapasok na sa Olympics samantalang ang mga hindi papalarin sa unang qualifying rounds ay sasabak sa ikalawang qualifying rounds ngunit tanging ang mga makakakuha na lamang ng gold at silver medal ang kukunin para sa olympiada.