-- Advertisements --

Out na rin sa medal competitions ang dalawang Pinoy athletes na sina Cris Nievarez at Jayson Valdez sa nagpapatuloy na Tokyo 2020 Olympics.

rower cris nievarez
Rower Cris Nievarez

Sumabak ang dalawa nitong araw ng Sabado sa kompetisyon pero sa kabila ng kabiguan, nagsilbi namang pampalakas pa rin loob sa kampanya ng Pilipinas ang pag-usad sa mas mahirap na round-of-16 ng Pinay boxer na si Irish Magno.

Una rito si Nievarez ay nagkasya lamang sa ikalimang puwesto sa quarterfinals 4 sa ginanap na men’s single sculls sa Sea Forest Waterway sa Tokyo.

Hindi inabot ni Nievarez ang top three spot nang magtapos siya sa oras na seven minutes, 50.74 seconds, 37.99 seconds sa likod nang nanalo na atleta mula sa Germany na si Oliver Zeidler.

Ang Southeast Asian Games gold medalist na si Nievarez, 21, at tubong Atimonan, Quezon ay sasali pa sa semifinal C/D pero ito ay para na lamang sa rankings.

Si Nievarez ang unang Pilipinong rower mula noong taong 2000 na umabot sa Olimpiyada na ang huli ay si Benjie Tolentino.

Samantala sa shooting event, dumanas din naman ng kabiguan si Valdez na pumuwesto lamang sa ika-44 mula sa 47 mga shooters.

Irish Magno
Pinay top boxer Irish Magno

Dahil dito hindi na rin umabot sa finals ng men’s 10-meter air rifle na isinagawa sa Asaka Shooting Range.

Ang nasa top eight lamang ang umusad sa finals

Nagtala lamang si Valdez ng kabuuang score na 612.6 points matapos ang anim na serye ng 10 shots.

Kung maalala nitong nakalipas na Sabado ng gabi ay minalas din ang Pinoy world champion na si Caloy Yulo sa kanyang paboritong floor exercises sa artistic gymnastics.