Inamin ni Vice Ganda na malaki ang naging epekto ng 12-day suspension ng noon time show nito noong 2023 sa kanyang mental health at sa partner niyang si Ion Perez.
Sa isang panayam sa podcast ni Karmina Constantino, ibinahagi ni Vice na sila (Ion) ay dumaan sa therapy upang malampasan ang mga pagsubok na dulot ng insidente.
‘Ang dami kasi naming pinagdaanan na gumimbal ng mental health naming dalawa. Ang dami naming pagsubok na pinagdaanan. Imagine mo ‘yung na-suspend ‘yung programa namin dahil sa ginawa namin. Na para sa amin hanggang ngayon ay wala kaming nakikita na mali sa ginawa namin. Tapos nagmukha kaming kriminal, tapos nagkaroon kami ng criminal case because of that,’ wika ni Vice.
Ayon kay Vice, ang pagkakasuspinde ng programa ay nagdulot aniya ng bigat sa kanilang nararamdaman, lalo na’t hindi nila nakikita na mali ang kanilang ginawa.
‘Anong mali sa pagmamahalan natin? Anong mali? So ang dami —epekto ng pandemya, ‘yung prangkisa. So nangarag kami. Siyempre bago rin siya sa showbiz; hindi siya sanay na kinakalkal ang buhay niya, bina-bash siya. So nagte-therapy kami. Tapos kinuwento sa akin ng therapist grabe ang pagmamahal sa iyo ni Ion. Sabi ko ‘bakit po?’ ‘I asked him to write a prayer at ‘yung dasal niya puro sa iyo,’ emosyonal na paglalahad ni Vice.
Inilahad pa ni Vice na nakaramdam si Ion ng matinding guilt dahil sa nangyari, na nagdulot ng epekto sa kanilang relasyon at career.
‘Kasi feeling niya kaya nangangarag ang career ko at ‘It’s Showtime’ because of him. Na parang kung hindi naman tayo mag-asawa hindi naman tayo kakain ng cake, at kung hindi tayo kumain ng cake hindi naman tayo sususpendihin. ‘Yung guilt — ang lala nang guilt niya. Lahat ng dasal niya puro sa akin. Sana ‘wag akong magkakasakit, ‘wag akong magbago sa kanya, na ‘wag kang magawawala. ‘Wala siyang dasal para sa sarili niya, puro tungkol sa ‘yo.’ Kaya sabi ‘grabe ang pagmamahal sa iyo ni Ion.’ And even the people closest to us kitang-kita nila ‘yon. The people who really know us sinasabi ‘grabe ang pagmamahal sa iyo ni Ion,’ dagdag ni Vice.
Gayunpaman, ipinahayag ni Vice ang halaga ni Ion sa kanyang buhay at sinabing, “I super deserve this love now.” Kinumpirma rin Vice ang kanilang relasyon noong 2019 at maalala ngang nagpakasal ang dalawa sa Las Vegas noong 2021.