-- Advertisements --
Lorenzana
DND Sec. Delfin Lorenzana

Pag-aaralan muna ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Memorandum of Agreement (MOA) na pinirmahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at China backed Telco Mislatel na ngayon ay DITO Telecommunity bago ito aprubahan.

Hindi kasi alam ni Lorenzana na pumirma ng kasunduan ang AFP sa Third Telco ang DITO Telecommunity dahil siya ay nasa biyahe.

Sinabi ni Lorenzana, ipabubusisi niya ng maige ang nasabing kasunduan bago niya ibigay ang kaniyang pag-apruba.

Sa nasabing kasunduan, papayagan ng AFP ang DITO Telecommunity na magtayo ng mga cellsites at relay stations sa kampo ng militar gaya rin sa pinasok nilang kasunduan sa Globe at Smart.

Dahil sa nasabing MOA, kaliwat kanan ang batikos na natanggap ng AFP dahil sa pangamba na magagamit ang facilities ng militar para makapang-espiya ang China.

Pero tiniyak naman ni AFP chief of staff Gen. Benjamin Madrigal na bago nila pinirmahan ang MOA may mga safeguards silang isinagawa.

Unang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaari pa ring bawiin ang MOA at nangako na imbestigahan ang naging kasunduan.

Ang DITO Telecommunity ay consortium ng Udenna Corporation, Chelsea Logistics at China Telecommunications.

Samantala, bukas naman ang AFP sa anumang gagawing imbestigasyon hinggil sa pinirmahang kasunduan.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato nakahanda naman sila isapubliko ang dokumento sa pinirmahang kasunduan subalit isasangguni muna nila ito sa kanilang legal team.

Tiniyak naman ni Detoyato na maaari pa naman sila umatras sa kasunduan sa sandaling makita na ma-compromise o malagay sa alanganin ang seguridad ng bansa.